Talaga bang Mabisa ang “Panalangin ng Makasalanan?”

Talaga bang Mabisa ang “Panalangin ng Makasalanan?”

Original Source: Does the “Sinner’s Prayer” Really Work?
By: Joshua Infantado


Ang “Panalangin ng Makasalanan”  ay isang kilalang kataga na ginagagamit ng mga Kristiyanong Protestante at Ebanghelico.  Ito ay tumutukoy sa anumang uri ng panalangin na nagpapahayag ng pagsisisi at ng pagnanais na magsimula at bumuo ng isang relasyon sa Diyos Ama at kay Hesukristo.

Para sa karamihan ng mga mangangaral at Kristiyano, nakikita nila ang Panalangin ng Makasalanan bilang isang mahalagang sandali ng kaligtasan nga isang indibidwal.  Sa sandaling ikaw ay magdasal ng panalanging ito, ikaw ay ligtas na.  Ngunit, tama ba ang paniwala na ito ayon sa Biblia?  Sinusuportahan ba ng Biblia ang kaisipan na ikaw ay maliligtas kapag ikaw ay nagdasal ng isang panalangin – na tila isang hudyat o “password” patungo sa Kaharian ng Diyos?

 

Ano nga ba Talaga ang Panalangin ng Makasalanan?

Maraming pagkakaiba-iba sa Panalangin ng Makasalanan.  Ngunit kadalasan, ang isang tao ay magdadasal ng isang panalangin na ayon sa iminungkahing modelo o paunang nakasulat na panalangin.  Kasama sa Panalangin ng Makasalanan ang pag-amin ng kasalanan, pagtanggap sa sakripisyo ni Cristo, at pakiusap na si Hesus ay pumasok sa kanilang mga buhay.

Narito ang isang halimbawa ng Panalangin ng Makasalanan ng isa sa pinaka-kilalang ebanghelista na si Billy Graham:

Mahal naming Panginoong Hesus,

Alam ko na ako ay isang makasalanan, at hinihingi ko ang Iyong kapatawaran.  Naniniwala ako na Ikaw ay namatay para sa aking mga kasalanan at nabuhay ng maguli.  Tinatalikuran ko ang aking mga kasalanan at iniimbitahan kita na pumasok sa aking puso at buhay.  Nais kong magtiwala at sumunod sa Iyo bilang aking Panginoon at Tagapagligtas.

Sa Iyong Ngalan,

Amen.

 Ang paggamit ng Panalangin ng Makasalanan ay isang karaniwang gawain sa denominasyon ng mga Protestante, Anglicano, Luteran, Fundamentalista, at Ebanghelico.  May mga iba-ibang pagkakataon na ang Panalangin ng Makasalanan ay binibigkas.  Kadalasan, ito ay ginagawa bilang bahagi ng “panawagan sa altar” pagkatapos ng pagsamba.  Ang nagunguna sa pagsamba ay mananawagan sa lahat na tanggapin si Hesukristo sa kanilang mga buhay at maging “muling isinilang.”  Siya ay bibigkas ng mga salita na uulitin ng mga nakikinig.

Isa pang karaniwang paraan na binibigkas ang Panalangin ng Makasalanan ay kapag ang isang ebanghelista sa telebisyon ay hinihiling ang mga manonood na dasalin ito.  Ang iba ay sasabihan pa ang mga manonood na hawakan ang screen ng kanilang telebisyon habang dinadasal ang Panalangin ng Makasalanan.

Ang mga tao na namuhay ng makasalanan ngunit binigkas ang Panalangin ng Makasalanan bago sila ay bawian ng buhay ay itinuturing na naligtas sa huling sandali.

 

Ang Panalangin ba ng Makasalanan ay Talagang Mabisa?

Kung ikaw ay naniniwala na maliligtas ka sa pamamagitan lamang ng pagbigkas ng Panalangin ng Makasalanan – katulad ng gustong paniwalaan ng maraming Kristiyano – ikaw ay lubhang nagkakamali.  Dahil sa mala-Satanas na panlilinlang na ito maraming tao ang naging kampante tungkol sa kanilang kaligtasan.  Dahil sa huwad na paniniwala na ito, hindi na nila siniseryoso ang kanilang pagiging Kristiyano.  Oo, dahil sa paniwalang ito, maraming tao ang namumuhay  ng tila ba ay sila ang diyos ng knilang sarili at “magsisisi” na lamang at bibigkasin ang Panalangin ng Makasalanan kapag nawari nila na sandaling panahon na lamang ang ilalagi nila sa mundo.

Maaring akala ninyo na mabisa ang Panalangin ng Makasalanan, ngunit hindi ganoon.  Ang pagbigkas ng Panalangin ng Makasalanan ay walang makakamit na anumang bagay kung ito ay hindi patungo sa tunay na pagsisisi at pagbabagong-loob.  Ang paniniwala na ang Panalangin ng Makasalanan ay makaliligtas sa iyo ay nagpapababa ng halaga at iniinsulto ang malaking sakripisyo na ginawa ni Cristo para sa atin.

 

Ano ang Kailangan Nating Gawin?

Syempre, kailangan natin kilalanin na tayo ay mga makasalanan na kailangan ng Tagapagligtas upang makamit ang buhay na walang hanggan.  Gayunpaman, ito ay ang simula lamang.  Hinihimok tayo ni Apostol Pedro na:

Mangagsisi kayo at mangagbautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Hesukristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu…

~Mga Gawa 2:38

[KOMENTO: Ang Griegong kataga para sa “magsisi” ay metanoeo (Strong’s bilang G3340), na ang ibig sabihin ay baguhin ang iyong pagiisip para sa kabutihan, o buong kasiyahang amyendahan na may kasamang pandidiri sa mga nakaraang kasalanan.]

Ang “pagsisisi” ay nangangahulugan ng higit pa sa paghingi ng paumanhin.  Ang ibig sabihin nito ay literal na ‘180-degree’ na pagbabago ng direksiyon ng buhay mula sa kasalanan patungo sa buhay na matuwid.  Subalit ang proseso ng pagbabagong-loob ay panghabang-buhay – hindi ito lahat nangyayari sa isang magdamag.  Kung kaya ang Panalangin ng Makasalanan – kapag dinasal ng taimtim – ay simula lamang at hindi ang tanging bagay na gagawin mo bilang Kristiyano.

Tandaan natin na tayo ay hindi Kristiyano dahil sa ating nalalaman, kundi sa kung ano ang ginagawa natin sa ating nalalaman (Santiago 1:22).  Ang ating paniwala sa Diyos at kay Cristo ay dapat samahan ng malinaw na pagbabago sa ating buhay (Santiago 2:26).

0 Comments

Add a Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.