Original Source: How Biblically Accurate Is The “Immortal Soul” Teaching?
By: Edmond Macaraeg
Ayon sa Biblia, “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.” Sinabi rin ni Cristo, “Ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno.” Paano tumutugma ang mga pahayag na ito sa tanyag na pagtuturo at paniwala tungkol sa “Walang Kamatayang Kaluluwa?”
Ang doktrina na ito ay isa na namang palaisipan sa mundo ng relihiyon (pati na sa mga pagano). Ito man ay pinaniniwalaan ng lahat, mahirap pa rin patunayan na ayon sa Biblia.
Ayon sa kasaysayan, ang pinakaunang nilalang na nagsabi, “Tiyak na hindi ka mamamatay” (NAU), o “Namamatay, ngunit di mamamatay” (YLT), o “Hindi ka mamamatay…” (Tanakh-JPS) ay walang iba kundi si Satanas, ang Demonyo mismo, na nagpakita bilang isang ahas sa unang pagtatagpo nila Adan at Eba sa halamanan ng Eden (Genesis 3:4). Mula noon, halos lahat ng angkan ni Adan at Eba (pati ang mga bansa na hindi Kristiyano) ay pinaniwalaan ang pinagmulaang KASINUNGALINGAN (na ngayon ay isinalin sa paniwala ng “Walang Kamatayang Kaluluwa”.)
Ang pahayag ni Satanas ay isang pagsalungat sa naunang utos ng Diyos nang kanyang sinabi: “Datapwat, sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay tiyak na ikaw ay mamamatay.” (Genesis 2:17). Hindi nagsinungaling ang Diyos, dahil ang isang araw sa Diyos ay katumbas ng 1,000 taon sa tao (2 Pedro 3:8, Mga Awit 90:4), at wala pang tao ang nabuhay ng higit 1,000 taon.
Tulad ng inaasahan, ang mala-Satanico na paglilinlang na ito ay pinaniwalaan rin sa mga (paganong) pamayanan ng Ehipto, Babilonya, at Griyego. Ito ay pinatutunayan ng The Jewish Encyclopedia:
Ang paniwala na ang kaluluwa ay patuloy na namamalagi pagkatapos mapugnaw ang katawan ay…isang haka-haka…walang malinaw na pagtuturo nito sa Banal na Kasulatan…
Ang paniwala sa walang kamatayang kaluluwa ay nakarating sa mga Judio mula sa kanilang pakikipagugnayan sa kaisipang-Griego at lalo na sa pilosopiya ni Plato, ang pangunahing tagapagtaguyod nito…sa pamamagitan ng mga misteryong Orpik at Eleusino kung saan ang mga pananaw ng Babilonya at Ehipto ay may kakaibang pagsasama.
~The Jewish Encyclopedia (1941), Vol.VI, “Immortality of the Soul,” pp. 564, 566
Plato (428-348 B.C.), ang (pagano) Griyegong pilosopo at mag-aaral ni Socrates, ay itinuro na ang katawan at ang walang kamatayang kaluluwa ay naghihiwalay pagkamatay. Basahin pa ang patotoo na ito sa:
Ang International Standard Bible Encyclopaedia, sa isang komento tungkol sa pananaw ng sinaunang Israel tungkol sa kaluluwa:
…Tayo ay kadalasang naimpluwensiyahan, humigit-kumulang ng Griyego at Platonikong kaisipan na ang katawan ay namamatay, ngunit ang kaluluwa ay walang kamatayan. Ang kaisipang ito ay lubos na salungat sa kamalayan ng Israelita at hindi ito matatagpuan sa Lumang Tipan.
~International Standard Bible Encyclopaedia (1960), Vol.2, p.812, “Death”)
Kung kaya, ang naunang Kristiyanismo ay naimpluwensiyahan ng mga (paganong) pilosopiya ng Griyego. Pagsapit ng A.D. 200 ang doktrina ng walang kamatayang kaluluwa ay naging isang mainit na pagtatalo sa mga Kristiyano.
Sino ang Nagdala ng Pagtuturo na Ito sa Kristiyanismo?
Ang The Evangelical Dictionary of Theology ay nagpapatotoo:
Ang haka-haka tungkol sa kaluluwa…ay may mabigat na impluwensiya mula sa Pilosopiya ng Griyego. Ito ay makikita sa pagtanggap ni Origen sa doktrina ni Plato tungkol sa naunang kalagayan ng kaluluwa…”
~The Evangelical Dictionary of Theology (1992), p. 1037, “Soul”
Kung kaya, si Origen, ang naunang maimpluwensiyang teologo ng simbahan, ay naimpluwensiyahan ng mga (paganong) palaisip na Griyego, na sila ring nagimpluwensiya sa buong (Romanong) simbahan. Kahit na ito ay pagtuturo na hindi ayon sa Biblia, ang Simbahang Romano ay opisyal na pinagtibay ang mga paganong paniniwala na ito sa simbahan.
Ang tanyag na paniniwala na ito ay naimpluwensiyahan rin ang isang kilalang makata at manunulat ng panahong yaon, na si Dante Alighieri. Noong una, siya ay sumusulat para pagtawanan at punahin ang kakatwang pagtuturo kasama ng mga kilalang tao ng panahon niya, ang kanyang mapagtuyang nobela ay kataka-takang pinagtibay pa bilang opisyal na muntaklat ng Simbahang Romano sa mga paksang kanyang inilahad!
Ang pamagat ng mapagtuyang nobela ni Dante Alighieri (isinulat sa pagitan ng 1308-1320) ay LA DIVINA COMEDIA. Ang aklat ay nahahati sa tatlong pangunahing bahagi: Impierno, Purgatorio, at Paraiso kung saan pinagtibay ng Simbahang Romano ang mga kaisipang ito sa nilalaman ng “walang kamatayang kaluluwa.” Kagulat-gulat na ang mga Simbahang Protestante ay ginaya rin ang doktrina ng “walang kamatayang kaluluwa” mula sa Simbahang Romano.
Ang mga paniniwala ng mga Katoliko sa “Walang Kamatayang Kaluluwa” ay dokumentado sa aklat na My Catholic Faith:
PAANO natin MAPAPATUNAYAN na ang KALULUWA ng tao ay WALANG KAMATAYAN?
Mapapatunayan natin na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan, dahil ang mga gawang katalinuhan ng tao ay espiritwal; samakatuwid, ang kanyang kaluluwa ay isang espiritwal na nilalang, hindi umaasa sa bagay, kaya hindi rin napapailalim sa pagkabulok o kamatayan.”
Ano ang nangyayari SA KAMATAYAN?
“Sa kamatayan, ang kaluluwa ay humihiwalay sa katawan.” [KOMENTO: Ang eksaktong konsepto ay galing kay Plato.]
~My Catholic Faith (1949), ni Obispo Louis LaRavoire, p.43
Ano ang Sinasabi sa Biblia Tungkol sa Walang “Kamatayang Kaluluwa”?
MGA NAKAKAGULAT NA KATOTOHANAN:
Ang pariralang “Walang Kamatayang Kaluluwa” ay HINDI matatagpuan sa Biblia!
Nakakagulat ba?
Paano naman ang “walang kamatayan”? Ito ay minsan lang ginamit sa Biblia na KJV (at sa NKJV rin), at ito ay patungkol sa Diyos.
Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa Diyos na nag-iisang marunong, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.
~1 Timoteo 1:17
Ito rin ay ginamit pa ng dalawang beses sa Biblia na NIV, at parehong tumutukoy sa Diyos lamang:
…at pinagpalit nila ang kaluwalhatian ng walang kamatayang Diyos para sa isang katulad ng anyo ng taong may kamatayan at mga ibon at mga hayop at mga reptilya.
~Mga Taga Roma 1:23
…na Siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan, Na di nakita o makikita ng sinomang tao. Sumakanya nawa ang kapurihan at kapangyarihang walang hanggan. Siya nawa.
~1 Timoteo 6:16
Paano Naman ang Katagang “Kaluluwa”?
Ito ay ginamit ng 458 na beses sa KJV (King James Version) na Biblia, 321 na beses sa NKJV (New King James Version) na Biblia, at 129 na beses sa NIV (New International Version) na Biblia. Subalit, sa lahat ng pagkakagamit nito, walang isinasaad na kahit anong espiritwal o walang kamatayan.
Sa parehong Hebreo (“nephesh”) at sa Griyego (“psuche”), ang katagang isinalin na “kaluluwa” ay hindi nagsasaad ng kahit na anong espiritwal o walang kamatayan. Halimbawa:
At sinabi ng Diyos, “Bukalan ng sagana ang tubig ng mga nilalang (Heb. “nephesh”= kaluluwa) na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid.” [KOMENTO: Siyempre, walang nilalang na walang kamatayan.]
~Genesis 1:20
“ At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay” (KJV) (Hebreo “nephesh” = kaluluwa). (ESV, YLT = “nilalang na may buhay”; NAU, NIV, NKJ = “katauhang may buhay”; NLT = “buhay na tao”) [KOMENTO: Sa mga salin na ito, walang nasasaad tungkol sa imortalidad o walang kamatayan.]
~Genesis 2:7
Strong’s Bilang: H5315 – nephesh (o nepes)
[KOMENTO: Sa iba’t-ibang gamit nito, walang nasasaad tungkol sa walang kamatayan]
Kahulugan:
- Kaluluwa, sarili, buhay, nilalang, tao, gana, isip, katauhang may buhay, pagnanasa, damdamin, simbuyo ng damdamin
- a. Yaong humihinga
Mga Pag-gamit: AV –kaluluwa 475, buhay 117, tao 29, isip 15, puso 15, nilalang 9, katawan 8, kanyang sarili 8, inyong mga sarili 6, patay 5, kalooban 4, pagnanasa 4, lalaki 3, kanilang sarili 3, anuman 3, gana 2, misc 45; 751
[Sanggunian: BibleWorks Interlinear]
Paano Naman sa Griegong Bagong Tipan?
Ang unang paglitaw ng katagang Griego na psuche ay sa Mateo 2:20, kung saan ito ay isinalin na “life” sa Ingles o “buhay” sa Filipino:
…sinasabi, “Magbangon ka at dalhin mo ang Sanggol at ang Kanyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel, sapagkat nangamatay na ang mga naghahangad sa buhay [psuche] ng Sanggol.”
~Mateo 2:20
Strong’s Bilang: G5590 – psuche (o psyche)
[KOMENTO: Sa iba’t-ibang gamit nito, walang nasasaad tungkol sa walang kamatayan]
Kahulugan:
- Hininga
- a. Ang Hininga ng Buhay
- i. Ang mahalagang pwersa na nagbibigay buhay sa katawan at makikita ito sa kanyang paghinga
- Ng mga hayop
- Ng mga tao
- i. Ang mahalagang pwersa na nagbibigay buhay sa katawan at makikita ito sa kanyang paghinga
- b. Buhay
- c. Na kung saan ay may buhay
- i. Katauhang may buhay, kaluluwang may buhay
- a. Ang Hininga ng Buhay
- Ang Kaluluwa
- a. Ang luklukan ng mga damdamin, pagnanasa, pagmamahal, pagkasuklam (ating puso, kaluluwa, atbp.)
Mga Pag-gamit: AV – kaluluwa 58, buhay 40, isip 3, puso 1, buong puso + 1537 1, not tr 2; 105
[Sanggunian: BibleWorks Interlinear]
Sa pangalawang halimbawa na ito, makikita natin na ang “kaluluwa” ay maaaring wasakin ng Diyos sa apoy ng impiyerno.
At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan ngunit hindi nangakakapatay sa kaluluwa. Kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa [psuche] at sa katawan sa impiyerno.
~Mateo 10:28
Ang “Kaluluwa” ba ng Tao ay Walang Kamatayan?
Masdan, lahat ng kaluluwa ay Akin; Ang kaluluwa ng ama, gayun din ang kaluluwa ng anak ay Akin; Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
~Ezekiel 18:4
Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magpapasan ng kasalanan ng ama, o ang ama magpapasan man ng kasalanan ng anak…
~Ezekiel 18:20
Ang mga Patay ba na nasa Kanilang Libingan ay may Malay-tao?
Ang kanyang espiritu ay lumilisan, bumabalik siya sa kanyang lupa; Sa araw na yaon ay mawawala ang kanyang mga plano.
~Mga Awit 146:4
Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila ay mamamatay; Ngunit di nalalaman ng patay ang anumang bagay. At wala na silang gantimpala, sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na.
~Eclesiastes 9:5
Konklusyon
Ang kaisipan tungkol sa “walang kamatayang kaluluwa” ay isang malaking kasinungalingan na nagbuhat sa Eden sa pamamagitan ni Satanas, ang Mahusay na Manlilinlang, at pinagyaman ng mga paganong bansa at malalaking relihiyon. Nakita natin ng malinaw sa Biblia na ang kaluluwa ng tao ay maaaring mamatay, at walang anumang “immortal” dito. Tanging ang Diyos lamang ang imortal o walang kamatayan.
Gayunpaman, ito ang magandang balita: Ang Kamatayan ay di kailangang maging katapusan ng buhay. Tayong mga mortal na tao ay inaalok ng Diyos ng REGALO ng buhay na walang hanggan (Mga Taga Roma 6:23)! Mangyari pong abangan ang marami pang mga kapana-panabik at nakakamulat-mata na mga artikulo hinggil sa paksa na ito.
Abangan din po ang darating na artikulo: Ano ang “Espiritu sa Tao”?
0 Comments