Original Source: How Biblically Accurate Is the Popular Teaching About Hell?
By: Edmond Macaraeg
Paano magtutugma ang paniniwala sa mapagmahal, maawain at mapagpatawad na Diyos – na hindi nagtatanim ng galit – sa kilalang pagtuturo tungkol sa pagpapahirap sa mga tao sa naglalagablab na apoy ng impiyerno? Maaari bang maging parehong totoo ang magkasalungat na pagtuturo na ito? Ano ang kasagutan dito?
Dahil ang magkasalungat na pagtuturong ito ay hindi maaaring maging parehong totoo, ito ay nagpapakita na mayroong isang mahusay na manlilinlang na naglilito at nanlilinlang ng sangkatauhan. Nakakagulat na ang bawat kultura ng bawat bansa sa mundong ito, at lahat ng relihiyon ay may paniniwala tungkol sa impiyerno na isang lugar ng walang katapusang labis na pagpapahirap.
Si Satanas at ang Kanyang mga Demonyo ay Magdudusa ng Walang Hanggang Pagpapahirap
Sa kanyang pinaka-mapanlinlang at ubod ng sama na paraan, si Satanas ay nagpataw ng kanyang sariling pagpaparusa sa mga di-lubos na nakakaalam at mga sawing-palad na mga tao.
Ito ang sinasabi ng Biblia tungkol kay Satanas:
At ang diablo, na nanlinlang sa kanila, ay ihinagis sa lawa ng nagliliyab na asupre, (kung saan ang halimaw at huwad na propeta ay itinapon). Sila ay papahirapan araw at gabi ng walang hanggan.
~Apocalipsis 20:10
[TANDAAN: Mas wasto ang pagkakasalin nito sa NIV.]
Si Satanas at ang mga Kasama Niyang mga Demonyo ay Mapupunta Doon
Kung ang Diyos ay hindi iniligtas ang mga anghel na nagkasala, kundi sila ay ibinulid sa impiyerno [Gk. “tartaroo”] at inihatid sila sa kadena ng kadiliman, upang ilaan para sa paghuhukom…
~2 Peter 2:4
At sasabihin din Niya sa mga nasa kaliwa, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong mga isinumpa, sa apoy na walang hanggan inihanda para sa diablo at sa kanyang mga anghel…
~Mateo 25:41
Paano Napunta sa Popular na Kristiyanismo ang Huwad at Mapanlinlang na Pagtuturo na Ito Tungkol Sa Impiyerno?
Mula sa mga sinaunang paganong paniniwala, ang mga kaisipang ito kinalaunan ay naging bahagi ng doktrina ng Simbahang Romano. Noong ika-tatlong siglo, isinulat ni Cyprian ng Carthage:
Ang mga isinumpa ay masusunog magpakailanman sa impiyerno.
Ang lumalamong apoy ay ang kanilang magiging walang hanggang bahagi.
Ang kanilang paghihirap ay hindi mababawasan o magkakaroon ng katapusan.
~Peter Toon, Heaven and Hell: A Biblical and Theological Overview, 1986, p.163
Noong taong 1215 ang konseho ng Simbahang Lateran ay ipinagtibay ang kanilang paniniwala sa walang hanggang pagpapahirap:
Ang isinumpa ay mapupunta sa walang hanggang kaparusahan kasama ang diablo…
~Peter Toon, p. 164
Mababasa sa The Augsburg Confession of 1530:
Si Cristo ay babalik…upang magbigay ng buhay na walang hanggan at kaligayahan magpakailanman sa mga nananampalataya at sa mga nahalal, ngunit para kundenahin ang mga masasamang tao at ang mga demonyo sa impiyerno at walang hanggang kaparusahan.
~Peter Toon, p.131
Bukod pa dito, ang karaniwang konsepto ng impiyerno ay pinasikat ng Italyanong makata na si Dante Alighieri sa kanyang satirikal na nobela, La Divina Comedia, na idinetalye sa seksyon ng aklat na Inferno.
Pagkaraan ng maraming siglo, ang paniwala tungkol sa impiyerno ay naging dokumentado sa aklat na My Catholic Faith:
ANG MORTAL BANG KASALANAN ay isang malaking kasamaan?
Ang Mortal na kasalanan ay isang malaking kasamaan, ang pinakamalaking kasamaan sa mundo, mas malaking kasamaan kaysa sa sakit o kahirapan…Ang mortal na kasalanan ay isang pinaka-kakilakilabot na bagay upang ang isang makatarungan at maawaing Diyos ay gumawa ng impiyerno para sa walang hanggang kaparusahan ng mga suwail na anghel at ng mga makasalanan na namatay ng mayroong kahit isang mortal na kasalanan.
~My Catholic Faith, 1949, Bishop Louis LaRavoire, page 53
SINO ANG PINARURUSAHAN SA IMPIYERNO?
Ang pinarurusahan sa impiyerno ay ang mga namatay sa kanilang mortal na kasalanan; sila ay pinagkaitan na makita ang Diyos at magdusa ng nakapangingilabot na pagpapahirap, lalo na sa apoy, ng walang hanggan.
~My Catholic Faith, 1949, Bishop Louis LaRavoire, page 174-175
Sa mga Puritano, ang isa sa pinaka-maliwanag na paglalarawan ng pagpapahirap sa impiyerno ay ibinigay ng Puritanong ministro na si Jonathan Edwards sa isang sermon noong 1741, “Ang mga Makasalanan sa Kamay ng Galit na Diyos.”
Narito ang ilan sa mga sinabi niya:
Ang Diyos na may hawak sa iyo sa ibabaw ng hukay ng impiyerno, tulad ng isang may hawak sa gagamba, o isang nakakasuyang insekto sa ibabaw ng apoy…nakatunghay sa iyo na karapat-dapat sa walang iba kundi itapon sa apoy…
Ikaw ay sampung libong beses na mas karumal-dumal kaysa sa pinaka-nakasusuklam at makamandag na ahas…
O makasalanan! Isaalang-alang mo ang nakakatakot na panganib na iyong kinalalagyan…Ikaw ay nakasabit sa isang manipis na sinulid, malapit sa apoy ng banal na poot, at handa sa lahat ng oras na pasuin ito at sunugin.
~Karen Armstrong, A History of God, 1993, p.284
Isa sa mga dahilan kung bakit ang kahila-hilakbot na konsepto ng Impiyerno na ito ay napreserba ay dahil sa naniniwala ang mga teologo at mangangaral na ang pagtuturo na ito ay makapipigil sa mga tao sa kasamaan (relihiyon ng pananakot).
Mayroong Apat na Kataga sa Biblia na Isinalin sa katagang “Impiyerno” ngunit Walang Naglalarawan ng Labis na Pagpapahirap sa mga Tao
Sheol at Hades
Ang salitang Hebreo na “sheol” ay katumbas ng salitang Griego na “hades” na ang kahuluhan ay libingan.
Ihambing ang Mga Awit 16:10 at Mga Gawa 2:27 kung saan ang sheol ay isinalin na hades.
Sapagkat hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol, Ni hindi Mo papayagan ang Iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
~Mga Awit 16:10
Sapagkat hindi Mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades, Ni hindi Mo papayagan ang Iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
~Mga Gawa 2:27
Tartaroo
Ang salitang Griego na “tartaroo” ay isang beses lamang ginamit sa Biblia at ito ay tumutukoy sa lugar ng pagpigil na nakareserba para sa mga demonyo habang naghihintay ng paghuhukom.
Sapagkat kung ang Diyos ay hindi iniligtas ang mga anghel na nagkasala, kundi sila’y ibinulid sa impiyerno [Gk. “tartaroo”] at inihatid sila sa kadena ng kadiliman, at inilaan para sa paghuhukom…
~2 Pedro 2:4
Gehenna
Ang salitang Griego na “gehenna” ay mula sa Ge-Hinnom, ang lambak ng Hinnom (Josue 18:16) na ginamit bilang tambakan ng basura ng lungsod. Ang mga patay na katawan ng mga hayop at kriminal ay itinatapon doon at hinahayaang masunog kasama ng ibang basura.
Ang Mapagmahal ba at Maawaing Diyos ay Labis na Pinahihirapan at Pinarurusahan ang mga Marupok na Tao ng Panghabang-panahon?
Hindi siya makikipagkaalit na palagi sa atin, Ni kanya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailanman.
~Mga Awit 103:9
Sino ang Diyos na kagaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan at pinalalagpas ang pagsalansang ng nalabi sa kanyang mana? Hindi niya pinapanatili ang kanyang galit magpakailanman, sapagkat siya’y nalulugod sa awa.
~Mikas 7:18
Pagkakaiba ng Kaparusahan sa Pagpaparusa
Sila ay parurusahan ng walang hanggang kapahamakan mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng Kanyang kapangyarihan…
~2 Mga Taga Tesalonica 1:9
(TANDAAN: Kapag sinabing “walang hanggang kapahamakan” ang ibig sabihin ay ang kapahamakan o pagkawasak ay permanente [hindi tuloy-tuloy na pagpaparusa]. At dahil sa ang kapahamakan o pagkawasak ay permanente, ang taong iyon ay wala nang daan patungo sa harapan at kaluwalhatin ng Diyos. Ibig sabihin wala na silang bahagi sa maluwalhati at walang hanggang kaharian ng Diyos.)
“At inyong yayapakan ang masasama, sapagkat sila’y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking gagawin ito,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
~Malakias 4:3
(TANDAAN: Ang apoy ng Diyos ay tunay na napakainit na kayang sunugin agad at gawing abo ang mga katawan sa mismong parehong araw – hindi pagkatapos ng libo-libong taon o hindi kailanman magagawang masunog lahat.)
Kailan Parurusahan ng Diyos ang mga Masasamang Wala nang Pagbabago?
Datapwat darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw sa gabi, na ang sangkalangitan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay ay mapupugnaw sa matinding init; at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.
~2 Pedro 3:10
Sa katapusan ng sanlibong taon o milenyo at ang pinalawig na tagal ng panahon upang bigyang oportunidad ang lahat ng hindi nagkaroon ng pagkakataon para sa kaligtasan; ang ibabaw ng lupa ay lalamunin ng isang malaking pandaigdigang apoy, na sobrang init na kahit ang mga bagay ay gugunawin ng matinding init at lahat ng tubig sa lahat ng mga dagat at karagatan ay matutuyo. (Apocalipsis 21:1).
Sa ilalim ng matinding init ng apoy mula sa Diyos, lahat ng natirang mga mortal (hindi nakatanggap ng niluwalhating espiritwal na katawan) ay lubusang masusunog sa ilang saglit lamang.
Ang ating Diyos ay hindi SADISTA (na natutuwang makakita ng paghihirap) salungat sa kung ano ang ipinalalagay ng karamihan tungkol sa Kanya.
Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa Kanyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba, kundi mapagpahinuhod sa atin, na hindi Niya ibig na sino man ay mapahamak kundi ang lahat ay magsipagsisi.
~2 Pedro 3:9
Konklusyon
Ating nailantad ang isa pang panlilinlang ni Satanas kung saan ang Diyos ay inilarawan bilang isang sadista, na determinadong parusahan ang mga makasalanan ng walang katapusan. Ang katotohanan ay nagbibigay ang Diyos ng permanenteng kaparusahan – hindi walang hanggang pagpaparusa – sa mga masasamang wala nang pag-asang magbago, na magiging problema lang, hindi lamang sa kanyang sarili, kundi makalilikha rin ng ganap na kaguluhan sa Kaharian ng Diyos.
Batid ko na ito ay isang malawak na paksa. Layon naming tugunan ang iba pang mga natitirang katanungan sa mga darating pang artikulo na ilalathala sa BiblicalTruths.com. Mangyari po lamang abangan ang mga darating na artikulo.
0 Comments