Ano ang Sinasabi ng Biblia Tungkol sa Pag-aasawa ng Magkatulad na Kasarian?

Ano ang Sinasabi ng Biblia Tungkol sa Pag-aasawa ng Magkatulad na Kasarian?

Original Source: What Does the Bible Say About Same-Sex Marriage?
By: Daniel Macaraeg


Ang pag-aasawa ba ng magkatulad ng kasarian ay pinapayagan ng Diyos kung ang dalawang taong yaon ay “nagmamahalan?”

Sa mga nakaraang libong taon, ni bahagya ay di nagkaroon ng pagtatalo tungkol sa kung ano ang bumubuo sa pag-aasawa.  Ngunit sa paglipas ng panahon, ang tradisyunal na kahulugan (ng pag-aasawa sa pagitan lamang ng isang lalaki at babae) ay nakaranas ng paghamon.

Noong Hunyo 26, 2015, sa 5 – 4 na boto na nagbigay pasiya sa Obergefell v. Hodges na kaso, ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay ginawang makabatas ang pag-aasawa ng magkatulad na kasarian sa lahat ng 50 estado.  Pinuri ni Pangulong Barack Obama ang desisyon, at tinawag itong isang “tagumpay para sa America.”

Ngunit ito ba ay tunay na tagumpay?  Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pag-aasawa ng magkatulad na kasarian?

Ang Ebolusyon ng Kahulugan ng Pag-aasawa

Simulan natin sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga termino.  Ano ba ang pag-aasawa?

.   Sa The Reader’s Digest Great Encyclopedic Dictionary (1966), ang kahulugan ng pag-aasawa ay “isang  makabatas na kasunduan na pinapasok ng isang lalaki at babae, na magsasama bilang mag-asawa.”  Walang sinasabi dito tungkol sa pag-aasawa ng magkatulad na kasarian.

 .   Sa  Webster’s Universal English Dictionary (2004), tinukoy ang pag-aasawa na “isang makabatas na kasunduan kung saan ang isang babae at lalaki ay nagiging mag-asawa.”  Pagkatapos ng 38 taon, wala pa ring nabanggit dito tungkol sa pag-aasawa ng magkatulad na kasarian.

.   Sa Webster’s New Universal Dictionary and Thesaurus (2010), ang pag-aasawa ay tinukoy bilang “isang seremonya, pagkilos, o kasunduan kung saan ang isang lalaki at babae ay nagiging mag-asawa.”  Lumipas ang anim na taon, wala pa ring nabanggit dito tungkol sa pag-aasawa ng magkatulad na kasarian.

.   Subalit, noong 2003, ang Merriam-Webster ay naglimbag ng binagung kahulugan ng pag-aasawa.  Ang Oxford English Dictionary ay binago rin ang kahulugan ng pag-aasawa noong 2013 para isali ang mga bakla.

.   Kung kaya, sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, Eleventh Edition (2008), bukod sa tradisyunal na kahulugan, mayroong pangalawang kahulugan  na idinagdag: “Ang estado ng pakikiisang-dibdib sa isang tao na katulad ng kasarian sa isang pakikipag-ugnayan na katulad ng isang tradisyunal na pag-aasawa.”

.   Sa ngayon, mayroong apat na pangunahing kahulugan ang pag-aasawa, ayon sa  American Heritage Dictionary of the English Language, 5th Edition (2011-2016).  Ngayon, ang pag-aasawa  ay tinutukoy na:

  1. Ang makabatas na pagsasama ng isang lalaki at babae bilang mag-asawa, at sa ibang saklaw, sa pagitan ng dalawang tao na magkatulad ng kasarian, karaniwang may kalakip na makabatas na mga tungkulin ang bawat isa.
  1. Isang kapareho na pagsasama ng higit sa dalawang tao; pag-aasawang poligamiya o maramihan.
  1. Ang pagsasama sa pagitan ng mga tao na kinikilala ng kaugalian o tradisyung pangrelihiyon bilang isang pag-aasawa.
  1. Pagsasama na walang kasal.

Sa loob ng 40 taon – isang salinlahi sa Biblia – ang kahulugan ng pag-aasawa ay nabago.  Makikita ninyo na ang pag-aasawa ay isang pagsasama o pagkakaisa – isang kilos na nagkakaisa o ang estado ng pagiging isa.  Dito ay nagkakasundo pa ang mga tao. Ngunit sino nga ba  ang maaaring pagsamahin sa pag-aasawa?  Dalawang tao na magkaiba ang kasarian?  Mahigit dalawang tao na magkakaiba ang kasarian? Dalawang tao na magkatulad ng kasarian? Mahigit dalawang tao na magkakatulad ang kasarian?  Isang tao at kanyang ama? Isang tao at isang robot? Isang tao at ang kanyang pusa? Paano naman ang pag-aasawa sa sarili?  Sino ang magpapasya?

Bakit Mayroong Kalituhan Tungkol Sa Pag-aasawa?

Una sa lahat, ating tanungin, “Bakit naguguluhan ang mga tao tungkol sa pag-aasawa?  Payak lang ang kasagutan. Dahil itinakwil nila ang Diyos, ang May-akda ng Pag-aasawa.

Sa maraming mga kolehiyo at pamantasan, ang teorya ng ebolusyon ay tinuro bilang isang katotohanan, samantalang ito ay isa lamang teorya na hindi pa napapatunayan at puno ng pang-agham at pilosopikal na mga suliranin [balak naming talakayin pa ng husto ang mga paksa na ito sa mga darating pang artikulo].  Salamat na lang at may mga paaralan na mayroon pang lakas ng loob na ituro ang KATOTOHANAN tungkol sa paglikha na ayon sa Biblia – na ang Diyos ang lumikha ng sansinukob ex nihilo (“mula sa wala”) – kasali tayo, mga tao.

Hangga’t hindi natin ibinabalik ang Diyos at ang Biblia sa gitna ng talakayan, palaging magkakaroon ng pagtatalo at kalituhan tungkol sa napaka-kontrobersiyal na usapin tungkol sa pag-aasawa.

Kaya ating linawin ang kalituhan at hayaan ang Diyos, ang Lumikha ng sangkatauhan at ang May-akda ng pag-aasawa na tukuyin para sa atin kung ano talaga ang ibig sabihin ng pag-aasawa, una at higit sa lahat.

Ang Diyos ay Lumikha ng Dalawa, at Tanging Dalawa Lamang na Kasarian

“At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling anyo, ayon sa anyo ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.

~Genesis 1:27

Iyon ba ay isang simpleng pagkakamali – pagkakamali sa paglimbag?  Ano ang sinabi ni Cristo?  Sumang-ayon ba siya?

“At siya’y sumagot at sinabi, ‘Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila’y nilalang niya na lalake at babae,’ at sinabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki [isahan]ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kanyang asawa, [isahan] at ang  dalawa [1+1=2] ay magiging isang laman’? Kaya nga, hindi na sila dalawa kundi isang laman.  Kung kaya’t  ang pinapagsama nga ng Diyos, ay huwag paghihiwalayin ng tao.”

~Mateo 19:4-6

 7 Hindi Mapagaalinlangan na Katotohanan Tungkol sa Pag-aasawa na Ayon sa Biblia

Mayroon tayong makukuha na pitong di-mapapabulaanan na katotohanan mula sa dalawang mga talata sa itaas:

  1. Nilalang ng Diyos ang tao. Siya ang may-akda ng pag-aasawa (Genesis 2: 22-25).
  1. Hindi tulad ng mga hayop, ang tao ay nilalang ng Diyos sa kanyang sariling anyo.
  1. Nilalang tayo ng Diyos na lalaki at babae – dalawang magkatuwang na kasarian.
  1. Itong pagkakaiba ng kasarian ay ang dahilan ng pag-aasawa – “dahil dito,” sabi ni Cristo.
  1. Ang pag-aasawa ay sa pagitan ng isang lalaki at isang babae – dalawang tao lamang.
  1. Ang dalawang taong ito lamang ang magiging “isa” – “isang laman” – sa pag-aasawa.
  1. Ang Diyos ang siyang nag-uugnay sa lalaki at babae sa pag-aasawa na ayon sa Biblia.

Tinaguyod ba ni Apostol Pablo ang Mithiing Ito sa Pag-aasawa?

“Datapuwat, dahil sa [o para “maiwasan”] mga pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawa [na babae], at bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawa [na lalaki].

 ~1 Mga Taga Corinto 7:2

Mayroong dose-dosenang mga bersikulo at mga talata ang maari nating banggitin dito, ngunit sapat na sa ngayon ang mga nabanggit upang mabigyang linaw ang kalituhang nakapalibot sa pag-aasawa.  Ang May-akda sa at may Kapangyarihan sa pag-aasawa ay nagbigay kahulugan nito para sa atin.

Konklusyon

Nilalang ng Diyos ang mga tao na lalaki at babae.  Itinalaga Niya ang pag-aasawa mula pa ng pinaka-simula – isang lalaki at isang babae panghabangbuhay – pinagyayabong ang pagmamahal at paggalang sa Diyos at sa isa’t-isa.  Binibigay ang sarili ng buong-buo sa isa. Pinagsisilbihan ang isa’t-isa.  Nananatiling tapat at nakatuon sa panahon ng kasayahan at kahirapan.  Natututong ariin ang mga pagkakamali at magpatawad. Nagpapalaki ng mga anak na maka-Diyos.

Hindi pa tayo perpekto, ngunit ganito ipinapakita ang pag-aasawa na ayon sa Biblia – ang mithiin na dapat nating lahat pagsumikapan.  Inilalarawan nito ang ugnayan sa pagitan ni Cristo at ang Babaeng ikakasal sa Kanya, ang Kanyang totoong iglesia (Mga Taga Efeso 5:32-33).  Ang pag-aasawa ng magkatulad na kasarian ay isang kabuktutan sa disenyo at layunin ng Diyos.  Habang ang Diyos, sa laki ng Kanyang pagmamahal ay ipinadala ang Kanyang Anak na upang magbuwis ng kanyang buhay para sa atin na mga makasalanan, tinatawag pa rin Niya ang mga ginagawa ng mga bakla na hamak, salungat sa kalikasan, at kahiya-hiya (Mga Taga Roma 1:26-27).  Kahit ang pinakamataas na hukuman ng ating bansa – ang Kataas-taasang Hukuman ng Estados Unidos o hukuman ng kahit anong bansa – ay walang kapangyarihan na baguhin ang pakahulugan ng Diyos sa pag-aasawa na hindi mananagot sa pagsuway sa Pinakamataas na Hukuman ng Langit!

Batid ko na ito ay hindi kinikilala ng karamihan o wasto sa politika, ngunit ito ang sinasabi sa Biblia.  At ang “pagmamahal” ng tao ay hindi ito kayang baguhin.

“Sapagkat ito ang pagibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos.  At ang Kanyang mga utos ay hindi mabibigat.

 ~1 Juan 5:3

Sa mga darating na artikulo, balak naming sagutin ang marami pang mga tanong tungkol sa pag-aasawa, pagtatalik, homoseksuwalidad, pangangalunya, paghihiwalay ng mag-asawa at muling pagpapakasal, poligamiya, at marami pang iba.

0 Comments

Add a Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.