Original Source: What Is the Biblical Truth About the Dead?
By: Daniel Macaraeg
Ano ang talagang nangyayari kapag tayo ay namatay? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Ang mga namatay ba ay mayroon pang kamalayan at batid pa ang mga nangyayari sa mundo ng mga buhay? Ito ay isang misteryo na bibigyang linaw ng Biblia.
Ang kamatayan ay hindi maiiwasan ng karamihan. Hindi ito katanungan ng kung tayo ay mamamatay, kundi kailan tayo mamamatay. Kung hindi pa bumalik si Cristo bago mangyari iyon, tayong lahat ay mamamatay balang araw. [Ginagamit sa Biblia ang metapora ng “pagtulog” para ilarawan ang (unang) kamatayan, dahil ang kamatayan na ito ay pansamantala lamang – isang kalagayan kung saan tayo ay muling pupukawin ni Cristo].
Mayroong labis na kamangmangan at kalituhan tungkol sa kung ano talaga ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan. Karamihan ng tao, kasama na ang mga nagpapanggap na Kristiyano, ay naniniwala na tayo (ang ating mga walang kamatayang kaluluwa) ay kaagad mapupunta sa langit o impiyerno kapag tayo ay namatay.
Ang iba naman ay naniniwala na hindi kaagad tayo mapupunta sa mga lugar na ito, pero ang ating kapalaran ay nakatakda na. Habang ang ating mga katawan ay nakalibing, ang ating “walang kamatayang kaluluwa” ay mapupunta sa pansamantalang langit o impiyerno at naghihintay na ilipat sa kanilang huling kalalagyan.
Ngunit ano ba talaga ang sinasabi sa Biblia?
Narito ang limang katotohanan mula sa Biblia na kailangan natin maunawaan tungkol sa kamatayan:
-
Ang tao ay mortal – tayo ay namamatay. Wala tayong “kaluluwang walang kamatayan.”
Salungat sa kilalang paniniwala, inihahayag ng Biblia na ang mga tao ay walang “kaluluwang walang kamatayan” na may malayang ulirat at humihiwalay sa katawan ng tao pagdating ng kamatayan (Genesis 2:16-17). Kung susuriin natin ang kabuuan ng katawan ng tao, malalaman natin na tayo ay mayroong pisikal at kemikal na kabuhayan. Sa lenguahe ng Biblia, tayo ay alabok, galing sa alabok, at babalik sa alabok (Genesis 3:19, Job 34:15, Mga Awit 104:29, Eclesiastes 3:20, 12:7). Kung totoo na tayo ay wala nang kamatayan – o mayroong kaluluwang walang kamatayan – bakit pa natin kailangan ng buhay na walang hanggan bilang regalo (Mga Taga Roma 6:23)?
-
Mayroon tayong “espiritu sa tao” na nagbibigay sa atin ng sariling kamalayan, pagkamalikhain, budhi, malayang kalooban, at katalinuhan.
“ Ngunit may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.
~Job 32:8
“ Sapagkat sino sa mga tao ang nakakaalam ng mga bagay ng tao kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayon din naman ang mga bagay ng Diyos ay hindi nalalaman ng sinoman, maliban ng Espiritu ng Diyos.
~1 Mga Taga Corinto 2:11
“ Ang hula ng salita ng Panginoon tungkol sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon na nag-uunat ng langit at naglalagay ng patibayan ng lupa, at ang humuhubog ng espiritu ng tao sa kanya:
~Zacarias 12:1
-
Sa oras ng kamatayan, ang “espiritu sa tao” na ito ay nililisan ang tao at bumabalik sa Diyos.
“ At ang alabok [ang katawan] ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang espiritu ay mababalik sa Diyos na nagbigay sa kanya.
~Eclesiastes 12:7
“ …ang katawan na walang espiritu ay patay…
~Santiago 2:26
-
Ang “espiritu sa tao” na ito ay walang kamalayan sa sarili. Ang patay ay talagang patay.
Kapag tayo ay namatay, tayo ay patay – talagang patay – lubos na natutulog at walang kamalayan. Hindi natin nababatid ang paglipas ng panahon. Walang malay, walang ulirat, o pagbisita sa mga mahal sa buhay, o nakikita si Hesus at mga anghel sa langit.
Ang Espiritu sa Tao o “Spirit in Man” (SIM) ay maihahalintulad sa SIM (Subscriber Identity Module) kard ng cellphone. Dito ay ligtas na naka-imbak ang pagkakakilanlan ng suskritor at mga kaugnay na impormasyon na ginagamit para matukoy at mapatunayan ang suskritor sa computer at mobile phones. Dito rin naka-imbak ang listahan ng mga kakilalang tao at mga mensahe.
Gayundin, ang espiritu sa tao ay natatangi sa bawat isa at iniimbak ang talaan ng kanyang buhay, pati ang alaala, mga karanasan sa buhay at ang pagkatao na binuo niya sa paglipas ng panahon.
Ang mahalagang bagay na dapat tandaan ay ang SIM ay hindi maaaring gamitin para tumawag o magpadala ng mga mensahe kung wala ang cellphone. Gayundin, ang espiritu sa tao ay hindi buhay, o may malay, o pakinabang kung wala ang katawan. Hindi ito nakapag-iisip, nakakakita, nakakaramdam o may kamalayan kung wala ang utak at katawan, na siyang dahilan kung kaya’t tayo ay nagiging tao.
Kapag tayo ay namatay, ang SIM (spirit in man) ay bumabalik sa Diyos, habang ang ating katawan ay nakalibing sa lupa at kalaunan ay maaagnas. Sa ating muling pagkabuhay, bibigyan tayo ng Diyos ng bagong katawan at ibabalik sa atin ang parehong espiritu, upang manumbalik sa atin ang lahat ng ating karanasan, alaala, at tayo ay magiging parehong tao nang bago tayo mamatay.
“ Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila’y mangamamatay; ngunit hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay, ni mayroon pa man silang gantimpala, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pag-ibig, kanilang pagkamuhi, ang kanilang paninibugho ay nawala ngayon; Wala na silang anomang bahagi pa sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.
~Eclesiastes 9:5-6
“Anomang mahanap gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagkat walang gawa ni katha man o kaalaman o karunungan sa libingan na iyong paroroonan.
~Eclesiastes 9:10
“ Sapagkat sa kamatayan ay walang alaala sa Iyo; sa hukay ay sinong magpapasalamat sa Iyo?
~Mga Awit 6:5
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo, pagka ako’y mababa sa hukay? Pupuri ba sa Iyo ang alabok? Magpapahayag ba ito ng Iyong katotohanan?
~Mga Awit 30:9
“Sapagkat hindi Ka maaring pasalamatan ng Sheol [libingan], Hindi Ka maaaring puriin ng kamatayan; Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan.
~Isaias 38:18
-
Bubuhayin muli ng Diyos ang lahat ng namatay (ngunit ang bawat isa sa kanyang sariling pagkasunod-sunod). Mayroong buhay pagkatapos ng kamatayan!
“ Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking kahirapan sa gawang paglilingkod ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking pagbabago.
~Job 14:14
“ Kaya’t manghula ka at sabihin mo sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Masdan niyo, O bayan ko, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking paaahunin kayo mula sa inyong mga libingan; at aking dadalhin kayo sa lupain ng Israel. At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binuksan ang inyong mga libingan, O bayan ko, at inihaon kayo mula sa inyong mga libingan.
~Ezekiel 37:12-13
“ At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba’y sa walang hanggang buhay, at ang iba’y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak.
~Daniel 12:2
“ Totoong-totoo na sinasabi ko sa inyo, darating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.
~Juan 5:25
“ Huwag kayong mamangha dito; sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig ng kanyang tinig at magsisilabas – ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay ng mag-uli sa buhay, at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na mag-uli sa [paghatol].
~Juan 5:28-29
“ Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ako ang pagkabuhay ng mag-uli at ang kabuhayan. Ang sumasampalataya sa akin, bagamat siya’y mamamatay, gayon ma’y mabubuhay siya.
~Juan 11:25
“At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nakaupo sa mga ito, at sila’y pinagkalooban ng paghatol. At nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo kay Hesus at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. At sila ay nangabuhay at nagsipagharing kasama si Cristo sa loob ng isang libong taon. Ang iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay ng maguli. [KOMENTO: Ang Biblia ay naghahayag ng higit sa isang pagkabuhay ng maguli, at higit sa isang kamatayan (Apocalipsis 20:6).]
~Apocalipsis 20:4-5
“ At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harap ng Diyos, at ang mga aklat ay binuksan. Binuksan din ang isa pang aklat, na siyang Aklat ng Buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat.
~Apocalipsis 20:12
Konklusyon
Lahat ng tao ay mortal. Tayo ay namamatay. Ang katawan ay bumabalik sa lupa, habang ang “espiritu sa tao” ay bumabalik sa Diyos na siyang nagbigay. Wala tayong “kaluluwa na walang kamatayan” na kaagad pumupunta sa langit, impiyerno, limbo, o purgatory. Ang pagtuturo tungkol sa “kaluluwang walang kamatayan” ay hindi ayon sa Biblia at nagmula sa mga pagano. Kapag tayo ay namatay, tayo ay patay – natutulog, walang kamalayan – naghihintay ng pagkabuhay ng mag-uli. Ang Anak ng Diyos, ating Mesiyas, ay magbabalik at muling bubuhayin lahat ng nasa libingan. Ang kamatayan ay isa lamang pansamantalang “pagtulog.” Hindi ito ang katapusan ng buhay!
0 Comments