Ano ang Kasalanang Hindi Mapapatawad?

Ano ang Kasalanang Hindi Mapapatawad?

Original Source: What Is the Unpardonable Sin?
By: Edmond Macaraeg


Kung ang Diyos ay ang kataas-taasan sa lahat, at ang kanyang kapangyarihan ay walang hangganan, bakit magkakaroon ng isang bagay na hindi niya makakayang patawarin? Mayroon ba itong katuturan?

Dahil sa mismong kalikasan ng Diyos, hindi natin dapat ikagulat na tunay na may limitasyon sa kung ano ang maaari at di-maaaring gawin ng Diyos (at sa magandang kadahilanan).  Halimbawa, sa Banal na Kasulatan ay malinaw na sinasabi (tungkol sa ating pag-asa sa walang hanggang kaligtasan) na ang Diyos ay di makapagsisinungaling (Kay Tito 1:2) – Siya “ay hindi tao na magsisinungaling” (Mga Bilang 23:19).  Bilang pangalawang saksi sa katotohanang ito, sinasabi sa Banal na Kasulatan na “ang Diyos ay di maaaring magsinungaling” (Mga Hebreo 6:18).

Ngayon, tungkol sa usapin ng pagpapatawad ng mga kasalanan, bakit mayroong natatanging uri ng kasalanan na hindi maaaring mapatawad ng Diyos?  Ang Diyos ba ay walang kapangyarihan ukol sa bagay na ito?  O mayroong mga mahalagang prinsipyo na sangkot dito?  Ito ay ipaliliwanag ng mas detalyado mamaya lamang.

Dalawang Katanungan na Ipinag-aalala ng Ilang Kristiyano

Una, ang bawat kasalanan bang kusang ginawa ng isang nagbagong-loob na Kristiyano ay walang kapatawaran?

[Pakitandaan na mayroong pagkakaiba sa pagkakasala ng “sadya” – na nagmumula sa saloobin ng paghihimagsik – at pagkakasala ng “kusang-loob” – bumibigay sa tukso dahil sa simpleng kahinaan. Ang pagkakasala ng sadya ay inilalarawan sa Mga Hebreo 10:26 at sa Mga Hebreo 6:4-6.]  Mangyari pong magpatuloy sa pagbasa para sa karagdagang paliwanag.

Ikalawa, maaari bang magkasala ang isang Kristiyano, humingi ng kapatawaran, mapatawad, at manatili pa ring isang Kristiyano?

Nauunawaan ng Diyos ang Ating mga Pantaong Pagpupunyagi

Inilarawan ni apostol Pablo ang pagpupunyagi sa pagitan ng ating dalawang nagtutunggali na katangian, ang laman laban sa Espiritu (Mga Taga Galacia 5:16-17)Mismo si Pablo ay inilarawan ang kanyang sariling pagpupunyagi nang sinabi niya: Sapagkat ang ibig kong gawin, yaon ang hindi ko ginagawa; ngunit ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko” (Mga Taga Roma 7:15-23).

Ang Haring David – na sumulat ng maraming talata tungkol sa pagmamahal sa mga batas ng Diyos at pagsunod sa mga ito – ay hindi rin naging ligtas sa paggawa ng ilan sa mga pinakamabigat na kasalanan.  Subalit, ang kanyang wagas at taos-pusong pagsisisi ay mababasa sa Mga Awit 51, at siya ay tinawag na lalaki na ayon sa puso ng Diyos (Mga Gawa 13:22).

Ang Diyos na lumikha sa atin ay alam ang tungkol sa ating likas na pagkatao nang kanyang bigyang inspirasyon si Haring David upang isulat ito: “Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kanyang inaalala na tayo’y alabok” (Mga Awit 103:14).

Noong si Cristo ay nandito sa lupa, Siya mismo ay nagsabi na “Kayo ay magbantay at manalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso; Ang espiritu ay tunay na ibig, ngunit ang laman ay mahina” (Mateo 26:41).

Kung kaya ang Diyos ay naglaan ng paraan para sa ating patuloy na paglilinis sa pamamagitan ng madugong kamatayan ng kanyang Anak tulad ng inilalarawan sa 1 Juan 1:9, kung saan ay sinasabi: “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at makatarungan Siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kawalan sa pagkamatuwid.”  Pakibasa rin po ang Mga Taga Roma 5:6-11.

At bunga nito, “Ngayon nga’y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus, na nabubuhay hindi ayon sa laman, kung hindi ayon sa Espiritu (Mga Taga Roma 8:1).

Isang Napakahalagang Papel ng Banal na Espiritu

Inilarawan ni Cristo ang papel ng Banal na Espiritu sa pagsusumbat sa atin ng ating mga kasalanan nang kanyang sabihin: “At sa pagparito niya [ang Banal na Espiritu], ay kanyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa pagkamatuwid, at sa paghatol” (Juan 16:8).

Maaari rin nating pighatiin ang Banal na Espiritu (Mga Taga Epeso 4:30).  Ang katagang “grieve” sa Griego (“pighatiin” sa Filipino) ay nasa bilang G3076 ng Strong’s Iypeo, na ang kahulugan ay saktan o gawing malungkot.

Maaari ding pawiin ang Banal na Espiritu (1 Mga Taga Tesalonica 5:19).  Ang katagang “quench” sa Griego (“pawiin” sa Filipino) ay nasa bilang G4570 ng Strong’s sbennymi, na ang kahulugan ay mapatay.

Ayon sa Biblia, ang Banal na Espiritu ay binibigay lamang sa mga sumusunod sa Diyos (Mga Gawa 5:32).

Ang Pahayag ni Cristo tungkol sa “Kasalanang Hindi Mapapatawad”

“Kaya’t sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at kalapastanganan ay ipatatawad sa mga tao, ngunit ang kalapastanganan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao.  At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng Tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwa’t ang sinomang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa kapanahunang ito o maging sa kapanahunang darating (Mateo 12:31-32).”

Paano nangyari na ang kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu ay HINDI mapapatawad?  Narito ang DAHILAN at kung PAANO ito nangyayari:

Ginagamit ng Diyos ang Banal na Espiritu upang sumbatan tayo sa ating mga kasalanan – lalo na ang mga tunay na nakatanggap ng Banal na Espiritu ng Diyos at nakaranas at kasalukuyang nakararanas ng mga kapakinabangan na inilalarawan sa Mga Hebreo 6:4-5.

Kapag pinighati natin ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng paglalapastangan nito (sa pamamagitan ng negatibo, walang pandamdam, mapanghamak, at suwail na mga saloobin na ipinahahayag natin sa ating isip, salita, pag-uugali, or pamumuhay), kalaunan ito ay mapapawi at tayo’y lilisanin.

Kapag nangyari ito, hindi na natin mararamdaman ang pag-uudyok [na ginagawa ng ating budhi] na humingi ng kapatawaran sa kasalanan, dahil wala nang Banal na Espiritu na magsusumbat ng ating kasalanan.  Ang ating pinatuyong budhi ay makakaramdam ng kaligayahan at kalayaan at di-alintana kung ano ang ginagawa  – kahit ito pa ay maliwanag na paglabag sa mga batas at prinsipyo ng Diyos.  Nawawalan tayo ng pakialam, kahit pa paalalahanan tayo tungkol dito.  Maari pa nating isumpa ang Diyos at ang kanyang mga batas!

At dahil hindi na tayo nababahala at wala nang pagnanais na humingi ng tawad, lahat ng ating mga kasalanan ay MANANATILING hindi napatawad.  Ito ngayo’y katumbas na rin ng “kasalanang hindi mapapatawad” – HINDI dahil hindi kaya ng Diyos magpatawad, kung hindi dahil sa ang mismong tao na ang hindi nagpapahalaga sa kanyang pangangailangan ng kapatawaran.

Kung ikaw ay labis na nagaalala na baka nakagawa ka ng “kasalanang hindi mapapatawad,” sa aking hinala ay hindi ganoon, sa simpleng kadahilanan na mayroon ka pang pagnanais na humingi ng tawad.

Personal na Tagapayo

Gayunpaman, kung mayroon ka pang pagdududa, maaring humingi ng payo sa isang may kakayahan na espiritwal na namumuno, o maari kayong magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng email tungkol sa inyong kaso, at susubukan namin kayong tulungan.

 

 

0 Comments

Add a Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.