Original Source: Is “Universal Salvation” a Biblically Correct Teaching?
By: Edmond Macaraeg
Ang lahat ba ng tao ay maliligtas?
Isa pang malaking kontrobersiya na mainit na pinagtatalunan ngayon sa mundo ng Kristiyanismo ay ang pagtuturo tungkol sa “Pangkalahatang Kaligtasan,” o “Pangkalahatang Pagkakasundo,” o “Unibersalismo” sa maikling salita.
Ito ang paniniwala na dahil sa pagmamahal ni Cristo, lahat ng tao ay maliligtas sa katapusan. Ang impiyerno ay isa lamang talinghaga para sa mga tao. Ang iba nama’y naniniwala na ang impiyerno ay katumbas ng purgatoryo (isang pansamantalang kalagayan o uri ng kaparusahan), ngunit ang impiyerno ang tunay na patutunguhan ng mga demonyo – hindi ng mga tao. Mayroon ba itong katotohanan?
Sa ating kasaysayan, walang pahiwatig tungkol sa Unibersalismo sa dalawang naunang siglo ng kasulatan ng mga Kristiyano. Ang pagtuturo na ito ay tila unang nag-ugat sa ilan sa mga kaisipan ng Katolikong Obispo na si Augustine (354-430). Pagkaraan ng mga labingisang siglo, ang Protestanteng Teologo na si John Calvin (1509-1564), ay pinagtibay ang ilan sa mga kaisipan ni Augustine sa kanyang mga sariling pagtuturo. Subalit, sa malaking bahagi ng kasaysayan, ang paniniwala sa Unibersalismo ay pananaw lamang ng kakaunti hanggang sa pagsapit ng 1800s. Simula noon, ilang mga tagapangaral at mga teologo ang pinasimulan ang paglinang ng mga kaisipang ito upang maging doktrina, ngunit mayroong iba’t-ibang magkakasalungat na pakahulugan.
Ang Diyos Ba ay Makatarungan at Patas sa Pagbibigay ng Gantimpala?
Isang karaniwang pagtutol ng marami sa doktrina ng unibersalismo ay makakatulong pa rin sa pagpapanatili ng malalim na takot sa walang hanggang pagpapahirap bilang isang mahusay na nagpapaudlot sa buhay na imoral. Halimbawa, isaalang-alang natin ang makatotohanang sitwasyon na ito:
Narito ang isang tao na disiplinado sa sarili na mamuhay ng mabuti, marangal, matuwid, at maka-Diyos. Siya ba ay magkakaroon ng kaparehong “ligtas” na kapalaran tulad ng isang tao na namuhay bilang kilalang pusakal, mapusok at kriminal – walang pakundangan sa buhay?
Mga Bersikulo sa Biblia na Ginagamit ng Mali ng mga Maka-Unibersalismo
…na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas at mangakaalam ng katotohanan. [BIGYANG PANSIN: Ito ang kagustuhan ng Diyos, subalit binigyan Niya rin ang lahat ng tao ng kalayaan na mamuhay at magisip ayon sa kanyang sariling kagustuhan.]
~1 Kay Timoteo 2:4
Sapagkat dahil dito kami ay nagsisipagsikap at nagtitiis ng pangungutya, sapagkat may tiwala kami sa Diyos na buhay, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya. [TANDAAN: Ang pahayag na ito ay angkop sa “mga nagsisisampalataya (lamang).”]
~ 1 Kay Timoteo 4:10
Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa Kanyang pangako, na gaya ng Pagpapalibang ipinalalagay ng iba, kundi mapagpahinuhod sa atin, na hindi Niya ibigna sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi. [TANDAAN: Samantalang hindi ibig ng Diyos na mapahamak sinoman, binigyan rin Niya ang lahat ng tao ng kalayaang magpasya kung pipiliin nilang “magsisi.”]
~ 2 Pedro 3:9
Mga Malinaw na Bersikulo na Sumasalungat sa Unibersalismo
Ang kaluluwa [hindi lang ang katawan] na nagkakasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magpapasan ng kasalanan ng ama, o ang ama man magpapasan ng kasalanan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasa kanya, at ang kasamaan ng masama ay sasa kanya.
~ Ezekiel 18:20
At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan ngunit hindi nangakakapatay sa kaluluwa. Kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno [Gehenna – ang lawa ng apoy, ang pangalawa na kamatayan].
~ Mateo 10:28
“Masdan niyo, ang araw ay darating, na nagniningas na parang hurno, at ang lahat na palalo, oo, lahat ng nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami. At ang araw na darating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “Na hindi mag-iiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man…At inyong yayapakan ang masasama, sapagkat sila’y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking gagawin ito,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
~ Malakias 4:1, 3
…Yaong mga ibinigay Mo sa akin ay iningatan Ko; at isa man sa kanila ay walang nawala kundi ang anak ng kapahamakan… [TANDAAN: Tunay na mayroong kapahamakan (pagkawala ng kaluluwa, hatol ng walang hanggan na kaparusahan; lubos na pagkawasak) para sa ilang mga tao.]
~ Juan 17:12
…sa nag-aalab na apoy ay maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Diyos, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa ebanghelyo ng ating Panginoong HesuCristo. Sila ang parurusahan ng walang hanggang pagkawasak sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng Kanyang kapangyarihan…
~ 2 Mga Taga Tesalonica 1:8-9
Ngunit ang sangkalangitan at ang lupa ngayon ay iniingatan sa pamamagitan ng gayon ding salita, ay nakalaan sa apoy hanggang sa araw ng paghuhukom at ng paglipol ng mga taong masama.
~2 Pedro 3:7
Ang halimaw na nakita mo …ay patungo sa kapahamakan…
~ Apocalipsis 17:8
At sinoman ang hindi makitang nakasulat sa Aklat ng Buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.
~ Apocalipsis 20:15
Konklusyon
Malinaw na ipinapakita ng mga bersikulo na ito na walang ganoong bagay na tinatawag na “pangkalahatang kaligtasan,” na isang doktrina na hindi ayon sa Biblia. Bakit? Sapagkat mayroong mga mamamatay (dahil sa kanilang pagtanggi sa pagpapakasakit ni Cristo at ng kanilang mga kasalanang sadyang ginawa) at tutungo sa kapahamakan. Sila ay parurusahan sa nag-aalab na apoy sa walang hanggang pagkawasak, nangasunog, at naging abo.
Bakit May Malaking Hindi Pagkakaunawaan?
. Dahil sa paniniwala sa huwad na konsepto ng impiyerno at kaparusahan
. Kabiguang maunawaan ng tama ang layunin ng buhay ng tao
. Kamangmangan tungkol sa Malaking Plano ng Kaligtasan para sa lahat ng sangkatauhan
Balak naming ipaliwanag ang mga wastong konsepto sa Biblia tungkol sa mga pangunahing paksa na ito sa mga susunod pang mga artikulo ng BiblicalTruths.com. Abangan ninyo ang mga ito.
0 Comments